space

Lipat-Bahay

 

Ngayon na lang ako ulit namulat na maliwanag na ang kapaligiran sa umaga. Akala ko talaga, tatlong taon akong hindi masisilayan ng sikat ng araw ng bukang-liwayway. Sa mga di nakakaalam (at kahit sa mga walang pakialam, hehe) wala kasing bintana ang maliit na silid na tinutulugan ko dito sa dormitoryo. Ewan ko ba. Malas nga yata ako pagdating sa mga bintana kasi kahit sa sarili naming bahay eh wala ako nun (pero may sunroof naman ako sa bahay kaya maliwanag pa rin.) Kaya naninibago ako ngayon na maliwanag na ang mga umaga ko. Naglipat-bahay kasi ako matapos mapagdesisyunan “bigla” ng administrasyon ng aming lumang dormitory na gawin na lamang office spaces ang buong building. Kung paano nilang gagawing opisina ang aming silid na kulob at madilim ay hindi na sakop ng aking imahinasyon. Kahit hindi siguro ako claustrophobic ay magdadalawang-isip akong magtrabaho sa lugar na napakalungkot ng pakiramdam. Naninibago rin ako ngayon na kaunting hakbang na lang ang inaakyat ko. Mula noong nag-clerkship ako hanggang ngayong nasa ikatlong baitang na ako ng residency trainin , laging nasa pinakamataas na palapag kasi ang tinutuluyan ko (3rd or 4th floor). Ngayon, second floor na lang. Pakiramdam ko tuloy mananaba ako nito dahil mawawala na ang sikreto ko sa hindi ko pagtaba: ang pag-akyat sa hagdan bitbit ang bag na may limang kilo mahigit siguro ang bigat sa araw-araw. :)
Bukod sa literal na paglilipat-bahay ay naglipat-bahay din ako dito sa aking munting blog. Bago na ang aking domain registrar at mas malaking espasyo na rin ang kinalalagyan ng blog kong ito. Opo. Nag-godaddy na rin po ako kahit hindi naman halata. Hehe.
Mapurol na ata ang utak ko pagdating sa pagsusulat kaya susubukan kong muli ang mag-blog ng madalas. Noong isang araw kasi, nabasa ko yung artikulo na nakalathala sa website ng CBCP na patungkol sa “katotohanan” daw sa likod ng mga bakuna. Sa inis ko, sinubukan kong gumawa ng post para i-counter ang sinasabi ng duktor daw na tinutukoy ng artikulong iyon kaya lang hindi ko siya halos masimulan. Parang sa dami ng gusto kong sabihin ay nagliliparan ang mga letra at salita sa utak ko at nakikipaghabulan upang makabuo ng pangungusap. Pumupurol na nga yata ang aking utak sa mga letra,, salita at pangungusap. :( Masyado na yata akong matagal sa loob ng ospital.

Tags:

One Moment: Two Opportunities

03 Sep 2013 emotera, Featured
 

Ah hindi naman kayo naligaw.  Tagalog blog pa rin ito. Pero hayaan niyo muna akong mag-Ingles pansamantala. =P

 —————————————-

It was 9:30 in the morning of what was to be a tiring day. I was a ward senior resident and my juniors will all be out for a lecture for all first years. I, together with the two other seniors of our ward were to stay behind and attend to all the 45 patients in our ward while the juniors “take a break” from wardwork. The ward was full: patients, their respective “bantays” and tons of med students who were out for a day of ward visit. The chaos is rather unusual even for a PGH ward.

My co-resident was – as the norm- riding on the stretcher bed being pushed by “manong” as he was manually resuscitating a new patient to be admitted to the ward. I, on the other hand, was trying to make the old  mechanical ventilator work when I saw the commotion in the bed across ours.

“Code!” The third senior resident cried out and out of instinct, every member of our ward team: clerks, interns, nurses and the first year residents who were still around at that time came to the rescue. I, being the nearest to them, was the first person on the scene.

I hurriedly jumped on the bed and started the chest compression while everyone else rushed to get the e-cart and all its paraphernalia. It was the perfect opportunity for doctors, doctors-to-be and nurses to save this child’s life.

Little did we realize that it was also the perfect opportunity for someone else at that time.

Just fifteen minutes into the code and with all the other people attending to resuscitate the poor child who has recently lost his heart beat, I jumped off the bed to make way for the rest of the team and walked away from them. Realizing, while walking along, how I didn’t have my second phone with me. I hurriedly went back to the callroom and to my horror, found out how we’ve been robbed in the middle of the chaos, taking away from us an old Macbook and my 4-month old Xperia Z.

I couldn’t believe how someone would have the gal to do evil in the midst of such a heart-wrenching situation.

I had the ward closed off to the public and called for the security to manually search everyone who will leave the premises while I tried to contact my phone. When my phone went off after just a few rings, I knew already how it was a lost case.

I have always believed that men are born good and that we only know of evil when we are exposed to it. Perhaps he had a troubled childhood or perhaps he was taught the wrong moral values as he was growing up that he already lost his conscience not to do something wrong in the midst of a situation where everybody else is doing right.

It was 2:30 a.m. of the next day when I got home after a futile search for the lost item. I hopped from one place to another to report the incident and have the police blotter the theft. In the end, as I expected, I never got my phone back again.

The date was August 29, 2013. I  may have lost a phone… a material possession that can easily be replaced. But somewhere… someone lost another ticket to heaven.

 

—————————————-

1 Corinthians 6:10

Nor thieves, nor the greedy, nor drunkards, nor revilers, nor swindlers will inherit the kingdom of God.

—————————————-

Goodbye, Z. :’(

Tags: , ,

Ganito Talaga Kapag Tag-Ulan

 

Lola at Lolo circa 2003 with photobomber.

Isa sa mga dahilan kung bakit napili ko ang mag-Pedia ay yung mahina kasi ang loob ko sa mga matatanda. Sa totoo lang, mas naaawa ako sa mga matatandang nanlilimos sa kalye kesa sa mga batang karay-karay ng mga magulang nila habang kumakatok sa mga bintana kapalit ng kaunting barya. Siguro dahil sa lumaki ako sa mga lolo at lola ko habang nagttrabaho naman ang aking mga magulang.

Mas close ako sa lolo ko kesa sa lola ko. Tahimik lamang si lolo pero alam mong kahit hindi siya nagsasalita o kahit minsan puro “p*tang*ina” ang lumalabas sa bibig niya (expression niya kasi yun), alam mong mahal ka niya bilang apo niya.

Noong maliit pa ako at nag-aaral palang ng nursery, ang lolo ko ang taga-hatid-sundo sa akin. Ihahatid sa tanghali tapos susunduin sa hapon. Maglalakad lang kami sa kahabaan ng Airport Road papunta sa NFWC at sa hapon, panaka-naka ay idadaan niya ako sa bilihan ng hotdog at ng cotton candy bago umuwi. Isa sa pinakamasasayang araw ko noong bata ako ang kumain ng cotton candy dahil wala naman akong baong pera noon kaya minsan lang ako makatikim. Noong nagsimula na akong mag-aral sa eksklusibong paaralan ng mga babae, humaba ang biyahe namin ni lolo. Sumasakay na kami ng dyip papunta sa La Huerta. Paminsan, makakasabay pa namin yung kaklase kong sa laki at tangkad ay mapagkakamalang grade 3 kahit na nasa unang baitang palang kami noon. Mag-isa niyang tinatahak ang daan pauwi samantalang ako’y hawak-hawak ng aking lolo.

Isang beses sa isang linggo na lang kami magkita ng lolo ko noong lumipat kami sa Las Pinas at sa tuwina’y sila nina lola ang mapapadpad dito. Sa mga huling sandali ng buhay niya, lumipat na rin sila ng tahanan dito malapit sa amin.

Ang kamatayan ng lolo ko ang isa, kung hindi ang pinakamalungkot na kamatayan siguro sa aking buhay. Ang mga huli niyang nalalabing sandali marahil ang isa sa pinakamalungkot na pasko at bagong taon ng buhay ko. Mga panahong ginugol sa loob ng ospital habang nakaratay ang taong nagpalaki at nag-aruga sa akin.

“Kawawa naman yung matanda. Bigyan na kaya natin ng pagkain.”

Nagtatalo ang tiyahin ko at ang aming kasambahay sa kung ano ang gagawin. Sumilip ako at nakita ang isang matandang lalaki na sa tantiya ko ay lagpas sitenta anyos na nagbubungkal ng ligaw na damo gamit ang kanyang mga kamay sa hardin ng katapat naming bahay. Alas-dose na noon at nalaman kong kanina pa raw nagbubungkal yung matanda. Marahil nga dahil sa nakatambak na damo at ang isang malinis ng parte ng hardin.

“Hindi pa yata yan nagmemeryenda”. Tsismis sa akin ni Tita B.

“Bakit kasi hindi niyo bigyan?” Nagtataka kong tanong. At doon ko na naintindihan kung saan nagmula ang pagtatalo. Ang siste, nahihiya ang tiyahin kong magbigay ng pagkain doon sa nagttrabahong matanda dahil baka raw masamain nung may-ari ng bahay.

“Eh bakit naman? Hindi naman siya ang bibigyan mo ng pagkain.”

Sa di kalaunan, nanalo ako at naabutan nga ng mainit na kanin at dalawang pirasong piniritong hotdog si lolo. Dinagdagan pa namin ng dalawang pirasong puto at isang bote ng malamig na tubig. Nagpasalamat ang matanda subalit nagpatuloy siya sa kanyang ginagawa ng hindi man lang ginagalaw ang inihandog naming pagkain.

Paminsan-minsan, sinisilip ko siya mula sa bintana habang gumagawa ako research proposal at tuwina ay nakikita ko siyang nakayuko habang dahan-dahang binubunot ang bawat isa sa ligaw na damo. Hanggang sa dumilim ang langit at nagsimulang umulan. Mahina nung una na di nagtagal ay lumakas. Inalala namin si lolo na noong mga panahong iyon ay tumayo sa gitna ng ulan para lamang buksan ang payong na kanyang dala.

At ganun na nga nangyari. Sa ilalim ng init at bugso ng ulan, patuloy si lolo sa kanyang pagbubungkal ng damo. Ni hindi ko nga yata siya nakitang tumigil para sumubo ng kanin o ni hindi nagpapigil kahit inaya na siya ng may-ari ng bahay na tumigil pansamantala.

Naisip ko tuloy ang lolo ko na kung sa paanong paraang sa kahuli-huling sandali ng buhay niya at hindi na niya kinailangang magtrabaho dahil sinuwerte siya sa mga anak niya. Hindi na niya kinailangang bumalik sa pagiging security guard para magbantay ng mga taong hindi naman niya kaanu-ano. Napabaling ulit ang atensyon ko sa matandang nagbubungkal ng damo. May pamilya kaya siya? Nasaan na ang mga anak niya? Bakit siya hinahayaan sa ganitong trabaho kapalit ng mumuting halaga? Hindi kaya siya magkasakit pagkatapos nito? Paano na ang kalusugan niya?

At wari’y biglang sumagi sa aking imahinasyon ang kanyang pigura sa ER ng pampublikong ospital na pinapasukan ko.

Alas-singko ng hapon. Sandali akong nagpahinga habang sinusulat ang huling talata ng sanaysay na ito. Sumulyap muli sa bintana at tinanaw si lolo ngunit wala na siya sa patse ng lupang binubungkal niya. Nakita ko siyang nakayukod sa harapan ng gate hawak ang pagkaing iniabot namin sa kanya.

Lalo pang lumakas ang buhos ng ulan…

Ito Kasi Ang Uso

19 Jun 2013 Featured, isyu, pabati
 

Maputi, posturang-postura at nakasalamin. Eto agad ang napansin ko sa kanya ng pumasok siya sa pintuan. Napangiti ako at napabulong ng “Ang pogi naman nito” habang pinagmamasdan siya.

“Hala. Nakasarado lahat.” Malungkot niyang sinabi sa isang babaeng kasunod niyang pumasok sa pampublikong palikuran.

“O, huwag mong bubuksan ha.” Paalala ng kanyang ina na katulad niya’y, maputi, malinis at postura sa suot niyang bulaklaking blouse and puting pantalon. Hayaan niyo maging mapang-mata akong sandali. Sa estima ko’y nasa upper middle class sila ng ating sociedad.

Anim na taon ang tantiya ko sa batang pumukaw ng aking atensyon. Ang ina niya, siguro’y lampas trenta’y-singko anyos. Nang ako’y nakapasok na sa palikuran, naririnig ko ang pag-uusap ng mag-ina sa kabila sa purong wikang Tagalog at hindi ko mapigilang hindi mapangiti.

Kaninang nakita ko siya, halos 100% porsiyentong sigurado akong maririnig ko siyang magsasalita sa wikang Ingles gamit ang mga salitang bibo pakinggan galing sa batang kaedad niya. Hindi iyon ang unang beses kong makakasalamuha ng mga kabataang  katulad niya na matatas pa sa akin mag-Ingles at minsan pa nga ay may American accent pa.

Naaalala ko tuloy yung pag-uusap ng aking ina at ng kapitbahay naming may mga apo na.

“Naku. Nauubusan nga ako sa mga iyan ng Ingles.” Pagrereklamo ng kapitbahay namin kay mama.

“Eh kasi naman, ang gagaling mag-Ingles niyang mga apo mo.” Sagot naman ni mama.

“Puro Ingles kasi sila sa bahay kapag kinakausap ng mama at papa nila.” Proud na proud na pagkakasabi ng kapitbahay naming itago natin sa pangalang Aling Minda.

Lumipas ang ilang buwan at narinig kong nagkkwentuhang muli si Aling Minda at ang aking ina sa labas ng gate.

“Naku. Yung apo kong si Hannah, namomroblema ang mama niya. Bagsak kasi sa iskul sa subject niyang Pilipino.” 

Hindi ko maiwasang mapailing. Heto si Hannah, ipinanganak sa Pilipinas, lumaki sa Pilipinas at  hindi kailangan mang nakaalis ng Pilipinas ay bumabagsak sa lengguwaheng dapat ay alam niya. Hindi ko na nasundan pa ang kwentuhang iyon  o kung ano ang ginawa ng mga magulang niya sa sitwasyong iyon.

Nakakatawa. Sa kagustuhan ng mga magulang niyang maging bihasa siya sa Ingles, nakalimutan nilang ituro ang Tagalog sa kanya.

“Para pagdating sa iskul hindi siya mahirapan sa Ingles.” Sagot ng isa ko pang kakilala noong minsang naitanong ko kung bakit sinasanay niyang Ingles ang gamitin ng mga anak niya. Lumipas nga ang ilang taon at parehong hinagpis ang kinaharap niya: kung paanong hindi maintindihan ng pobreng mga bata ang aralin sa wikang Tagalog.

Gusto ko tuloy habulin ang kaibigan ko  ng sagot ngayon at sabihing hirap pa rin naman ang bata sa paaralan. Yun nga lang hindi sa Ingles kung hindi sa Tagalog na sarili pang lengguwahe ng bansang sinilangan niya.

Hindi ko alam. Bakit ba kasi nagkaroon ng ganitong klase ng ideyolohiya? Ang pagtuturo sa kabataan ng salitang banyaga bilang unang lengguwahe niya? Bakit? May masama ba sa pangungusap ng Tagalog? Eh sa Pilipinas naman tayo nakatira! Magbubuhat na ako ng sariling bangko. Magaling din naman ako sa Ingles subalit kahit kaila’y hindi ako kinausap ng aking ina sa wikang Ingles sa bahay. Ang kaalaman ko ay natutunan sa mga libro at pagtuturo sa paaralan. Hindi naman ako lubos na nahirapan at ganun din ang sampu sa aking mga kaibigan, kaklase at kababatang lumaki sa wikang Tagalog.

Nakakapanghinayang kung paanong maling prayoridad ang naituturo sa mga katulad nina Hannah. Kung paanong ang ating sariling wika ay nagiging pangalawa na lang sa kanila… isang wikang banyaga na kailangang pag-aralan sa apat na sulok ng paaralan.

Hayaan ninyong tapusin ko ang sanaysay na ito gamit ang mga katagang minsa’y sinambit ni Gat Jose Rizal:

Ang hindi magmahal sa sariling wika, daig pa ang hayop at malansang isda.”

Mahalin natin ang sariling atin.

 

Maligayang ika-isandaan at limampung kaarawan po sa inyo Gat Jose Rizal!

Tags: ,

space