space

Drive Me Crazy

 

“Patient na naman!”

Oo. Napakasama kong tao. Naturingan pang magdodoktor ako pero ayaw na ayaw ko ang mga panahong may pasyente. Hindi naman sa ayokong humarap sa kanila, mag-interview at gumawa ng maneuvers para i-PE sila pero ang pinakaaayawan kong parte ng buhay doctor-to-be ay ang paggawa ng sandamakmak na papers. Nanlalalim at malaki na ang mga eyebags ko, pero hindi yan dahil sa gabi-gabi kong pagpupuyat kaaaral kung hindi dahil sa paggawa ng patient papers na parang rabbit kung manganak.

Inuulit ko. Hindi ko kinasusuklaman ang humarap sa pasyente. Yung gumawa lang ng papers ang ayaw ko.

Sa loob ng isang linggo, isang gabi lang yata akong nababakante sa paggawa ng paper. At ang isang gabing yun ay nahahati pa sa tatlo: paglalaro, pagbblog at pag-aaral. Tao lang naman ako na napapagod makakita ng makikinis na papel ng libro at ng dermatograph kong yellow. Mukha lang akong laging nag-aaral, pero ang totoo, mas madalas ko pa nga yatang kasama ang laptop ko kesa ang mga libro ko – isang bagay na paulit-ulit kong pinagsisisihan tuwing darating ang eksaminasyon at makikita ko ang ilang dangkal na reviewers at ilang daang pahina ng libro na dapat sana ay binasa ko. Ewan ko ba. Sa lahat na lang yata ng nagdodoktor, ako na yung pinakatamad – at hindi ako nanglilimos ng papuri para diyan.

Hindi ko alam kung epekto ng sobrang pagccram ang pagkakaroon ng short term memory pero sa bawat linggong ginawa ng Diyos, lagi kong nakakalimutan kung kelan kami may SGD.

Commercial Break:
SGD – Small Group Discussion. Isa sa mga pagbabagong inadopt ng mga medical schools sa Pilipinas ang pagdagdag ng mga SGDs sa tradisyunal na lecture-type curriculum ng medisina. Sa mga ganitong pagtitipon binibigyan ang mga estudyante ng mga pasyenteng pageeksperimentuhan iinterbyuhin at i-phy-physical exam o ng mga paper cases na kailangang suriin at bigyan ng pansin.

Kumusta naman yun? Second sem na at ni hindi nga nahipan ng hangin ang schedule ko, pero lagi kong nakakalimutan na may permanenteng SGD ako ng Lunes, Martes at Huwebes. (Ulit-ulitin natin Mnel: Lunes, Martes, Huwebes… Lunes, Martes, Huwebes!!!) Katulad na lang kanina nang pumasok akong wala na naming dalang med bag. Mabuti na lang at wala pala kaming klase ng 10-12 kaya nagawa ko pang umuwi ng apartment. Kung nagkataon, para na naman akong sasabak sa giyera ng walang dalang armas – at kung giyera nga itong totoo, tiyak kong matagal na akong six-feet-under.

Ala-una ng hapon. Dead hour. Nung bata ako, pilit na kong pinapatulog ng lola ko ng ganitong oras. Babantayan niya ako hanggang sa “makatulog ako”. Kung magtitigas-tigasan naman ang ulo ko, tatawagin niya si Aling Maria – yung katulong ng kapitbahay namin na kinatatakutan ko. Kung alam ko lang sana na sa pagdating ng taong 2008 ay gugugulin ko ang mga ala-una ko tuwing Martes na naglalakad (at naliligaw) sa ospital, sana ay itinulog ko na ang lahat ng ala-unang pinagpanggap ko lang na itinutulog ko. Nakakahiya. Naturingang naka-puti pero para kaming mga kuting na iniligaw kanina sa ospital. Hindi namin makita yung naka-assign sa aming kwarto ng pasyente. Kung ganito ako ka-lost hanggang next year, ipupusta ko ang unang sweldo ng roommate ko, kalahati ng panahong gugugulin ko bilang clerk ay magagamit ko sa paghahanap sa mga nawawalang ward. Sampung minuto rin kaming nagpabalik-balik hanggang sa makabalik kami sa square one – salamat sa partner kong dinala kami sa first floor sa paghahanap ng room 424. (Hindi mo kailangan maging duktor para marealize na ang kwartong hinahanap mo ay nasa fourth floor!) At nang makarating kami sa kung saan kami nagsimula, siniguro kong ako na ang nauna at narealize kong may sense of direction naman pala ako kahit papaano. Narating din namin sa wakas ang kwartong ubod ng ilap at nadatnan namin ang isang may edad na babaeng natutulog. Isang tingin ko palang alam ko nang kaiba siya sa mga pasyenteng nakasanayan ko. Maayos ang kanyang itsura, may tikas ang postura. Nasaktuhan kami ng kanyang asawa na maayos din ang tindig. Hindi katulad ng mga nakasanayan na naming pasyente sa Social Service.

“Umbilical hernia ang ipununta ko talaga dito”

Nakahinga ako ng matiwasay nang malaman kong simple lang naman pala ang problema niya. Nagsimula na kaming magimbestiga kung paano siyang nag-end up sa kamang iyon. Pero katulad ng sinasabi nila: Don’t count your eggs before they’ve hatched. Mula history ng umbilical hernia, napunta kami sa breast mass, rheumatoid arthritis, leg swelling, diabetes mellitus, hypertension at allergies hanggang sa kahit ako’y nalito na sa history of present illness na sinusulat ko. Hihinga na sana ako pero parang gumuho ang pag-asa ko ng idagdag niya ang hemorrhoids sa mga problema niya sa mundo. Hindi ko na alam kung sino na ang mas nakakaawa: siya na pasyente o ako na papatayin ng patient report niya.

Marami siyang tanong at para naman kaming nag-on-the-spot oral exam. Ngunit sa mga panahong yun ko napatunayan na may katotohanan pala ang minsang isinagot sa tanong kong “ano ba ang aking alam”?

Marami daw.

Marami nga ata.

Pasado alas-tres na nang matapos kami ni Ria kanina. May dalawang oras mahigit kaming nakatayo at nakikipagusap sa pasyenteng namamaos na sa kasasalita. Nagkanda-labu-labo na ang history ng pasyente naming nagpaadmit para magpaopera ng umbilical hernia na may breast masses na tatanggalin muna ngunit ididischarge dahil hindi naclear for biopsy gawa ng cellulitis na nagsimula nung sabado secondary to diabetes mellitus with concomitant hypertension, non-compliant, na may allergies presenting as recurrent cough at may recurrent hemorrhoids s/p hemorrhoidectomy.

AAARRRRGGGHHHH!!!!!

Sasabog na ang utak ko. Patay na naman ang eyebags ko nito.

———————————–

Hindi ko na alam kung ano ang pinatutunguhan ng blog entry kong ito. Parang inuutusan lang kasi ng utak ko ang aking mga daliri na mag-type ng mag-type hanggang sa mapuno ko na ang halos dalawang pahina ng word document. Ganyan ako mag-isip. May pinupuntiryang wala. Sana may sariling kamay na lang ang utak ko para di na niya pinapahirapan ang mga daliri kong magtype.

Tags: , ,

 

Reader's Comments

  1. lei | November 5th, 2008 at 12:23 am

    ay! nakakatakot pla mag medicine. lalo na kung hindi healthy ung pasyente. kayo ang pinahihirapan. tsk.tsk. sya mag-aantay lang ng lunas sa sakit nya, habang kayo gumuguho ang mundo kakatrace ng sakit nya at kung ano ang unang dapat gamutin. hmmpf. good luck nalang doc mnel. kaya mo yan. :)

    lei´s last blog post…Belated Happy Halloween?

    Reply to this comment
  2. Duroy | November 5th, 2008 at 10:58 pm

    Doc, baka hindi na epektib ang mga tornilyo dyan sa cranium mo… Hmmm baka pwedeng i-counterbore o countersunk na lang yung mga dating kinakabitan ng mga tornilyo, tapos rivets na ang ikakabit. Mas matibay yun…

    Hehehe… peace doc!

    Reply to this comment
  3. RJ | November 6th, 2008 at 6:18 am

    Hahaha! Ibang klase talaga kapag ang patient ay nakakausap ano? [mga pasyente ko kasing nakaharap dati ., lahat ay hindi nakakausap!] Pero nacha-challenge naman ang mga kaalaman nyo nyan, kaya ayos lang.

    Kaya pala madalang ang pagba-blog busy sa SGD. Pero ‘ta mo yan, nakapag-post kayo nang dahil sa patient nyo na namamaos na. hahahah!

    ————–

    Lola ko, pinapatulog din ako dati pagkatapos ng lunch, ayoko rin matulog noon. Tas ngayon dito sa work pag 1pm, gusto kong umuwi at matulog! =(

    RJ´s last blog post…Bukod-tangi

    Reply to this comment
  4. siangelnawalangpakpak | November 7th, 2008 at 1:30 pm

    naamuse naman ako sa entry na ito. una, kasi nakarelate ako. hate ko rin talaga ang gumawa ng papers, kasi pag gumagawa ako ng paper, antagal bago ko siya matapos kasi gusto ko andun na lahat at wala ng hahanapin pa yung residente ko.

    pero sa katulad kong doktor na umaaming tamad rin, may trick akong isheshare sayo: ANG PAGCUCUT and PASTE. Very effective at time-saving. Dapat lang gumamit ng konting utak para hindi halatang cut and paste siya =)

    pangalawa, nakakalokah talaga yung halos hakutin na ng isang pasyente ang lahat ng mga diseases sa mundo. tapos pas mas marami siyang complaints, siyempre mas dumarami na ang differential diagnoses mo. nakakaloka talaga. paminsan, gusto mo na lang silang resetahan ng buong pharmacy para matigil na sila sa pagaamin pa sayo ng iba pang mga signs and ssx nila. pero siyempre, hindi pwede yun.

    And yes, hindi ko rin kinasusuklaman ang mga pasyente. lab ko sila. sa kanila kasi manggagaling ang magiging sweldo ko in the future. hehe, joke.

    siangelnawalangpakpak´s last blog post…Ang Gamot ng Tatay ko para sa High Blood

    Reply to this comment
  5. samjuan | November 11th, 2008 at 2:38 am

    easy ka lang doc.
    lilipas din yan. kaya mo yan.
    lahat naman may haggard moments.
    ilabas mo lang sa blog.
    wag kalilimutang mag-smile!
    =)

    Reply to this comment
  6. tannix | November 29th, 2008 at 9:30 am

    Posible nga palang taguan ng kwarto ang mga doktor no?

    Reply to this comment

Leave a Comment

space