space

Test of Faith

 

Yun na yata ang isa sa pinakamalungkot na OR na pinasukan at papasukan ko sa buong buhay ko. Sa loob ng malamig na kwartong iyon, sa saliw ng musikang gawa ng tunog ng pagtibok ng kanyang puso at ng kanyang bawat hininga, pikit-mata ang lahat sa susunod na mangyayari. Parang kinurot ang puso ko ng magsimula na ang kasama kong residente. Gustong mag-unahan sa pagpatak ang mga nangingilid kong luha sa bawat hiwang ginagawa ng kanyang mga kamay sa murang katawan ng babaeng iyon. Gusto kong umiyak, pero nahihiya rin naman ako sa dalawang residenteng kasama ko. Pero alam kong hindi lang ako ang nakadama ng kakaibang kirot sa dibdib sa pagkakataong iyon. Marahil, naramdaman din yun ni Doktora Sam, yung kasama naming residente ng anesthesia, o ni Ms Joy at ni Ms Anne – yung mga scrub nurses namin para sa kasong iyon. Tawagin na lang natin siyang Isabel, na sa murang edad na disi-nuwebe anyos ay isa na sa libu-libong babaeng may Breast Cancer. Sa mga sandaling iyon, unti-unting nagbabago ang kanyang buhay. Pagkatapos ng halos tatlong oras na operasyon, magigising si Isabel na kulang na ng isa ang kanyang dibdib.

Hindi ako makapaniwala noong una kong narinig ang tungkol kay Isabel. Sa loob ng ilang linggo ay naging matunog rin na usap-usapan sa departamento ang kwento ng buhay niya: kung paanong nagpunta siya sa duktor upang ikonsulta ang pagsusuka at madalas na pagsakit ng kanyang tiyan; kung paanong sa eksaminasyong pisikal ay nakitaan siya ng bakas ng hiwa sa kanyang dibdib sa tabi ng isang maliit na bukol; kung paanong walang kagatul-gatol niyang sinabi na minsan na siyang naoperahan; at sa kung paanong wala siyang kamalay-malay sa implikasyon ng “invasive ductal carcinoma” na siyang naging diagnosis daw sa kanya. Parang plot sa isang palabas sa telebisyong pang-primetime kung saang malalamang may kanser ang bidang pinagsakluban ng langit at lupa. Ngunit sa pagkakataong ito, walang direktor na sisigaw ng “cut” para makapagpatuloy ng matiwasay na pamumuhay si Isabel.

Kakaibang awa ang naramdaman ko para sa kanya. Naaalala niyo ba yung panahong disi-nuwebe anyos palang kayo? Sa tatlong bagay lang halos umiikot ang buhay ko noon: pag-aaral, relasyon at pamilya. Pero heto si Isabel, maganda, mahaba ang buhok at makinis ang kutis, tipikal ngunit hindi… dahil sa sakit na breast cancer. Kahit na daan-daang pasyente na ang nakita kong may iba’t-ibang klase ng karamdaman, kakaiba pa rin ang epekto akin ng mga katulad niyang tinatamaan ng malubhang sakit sa murang edad. Bigla ko tuloy naalala sa kanya ang isang kakilalang matagal ng pumanaw si Lily Anne… na sa murang edad na disi-sais ay nadiagnose na may sakit na Colon Cancer.

Hindi talaga kami matalik na magkaibigan ni Lily Anne ngunit kilala ko siya dahil siya ang tipikal na estudyanteng may tatlong M: maganda, mabait at matalino – iyon at kilala siya sa loob at labas ng paaralan. Nasa unang baitang na ako kolehiyo noong nabalitaan kong pumanaw siya sa sakit na tumama rin kay ex-president Cory Aquino. Hindi ako nakarating sa burol at libing niya kaya naman nananatiling bata, masaya at maganda ang imaheng sumasagi sa isipan ko tuwing naaalala ko siya magpasa-hanggang ngayon.

“Hindi tayo Diyos Mnel. Minsan gusto man nating tumulong, wala naman tayong magawa.” Isang mabuting kaibigan ang nagpaalala sa akin niyan nung isang araw matapos niya akong makitang tahimik sa isang sulok. Hindi pa man ako lubusang nakaka-move on kay Isabel, isa na namang kaso ng breast cancer ang nakadaupang-palad ko: si Manang Gloria na eksaktong kabaliktaran ni Isabel: matanda, maputi ang maiksing buhok at nangungulubot na ang balat sa kanyang namamayat na katawan. Siya yung pasyenteng sa loob ng ilang taon ay pumupunta sa OPD tuwing hapon kada-linggo para magpalagay ng dressing sa namamaho na niyang kanser; wala kasing maibigay na lunas sa kanya dahil sa kanyang sakit sa puso. Siya yung klase ng pasyenteng aayawin mong makita dahil mahahabag ka sa kalagayan niya at yung klase ng pasyenteng gustong-gusto mong tulungan pero wala kang magawa. In short, siya yung tipo ng pasyente na bubuway sa pananalig mong sa larangan ng medisina ka nararapat. Matagal ko nang sinasabi sa kanila na hindi ko yata kaya ang mag-medisina lalo pa’t masyadong malambot ang puso ko. Baka sa di kalaunan, sa Psychiatry ako mapadpad, hindi bilang isang duktor kung hindi bilang isang pasyenteng tinamaan ng matinding depression.

May ilang linggo na rin ang nakalipas mula ng magtagpo ang landas naming tatlo nina Isabel at Manang Gloria, pero hindi ko pa rin sila nakakalimutan kahit na anong klaseng pagsasawalang-bahala ang gawin ko. Alam kong dalawa lang sila sa daan-daang taong tatatak sa puso at isipan ko. Marami pa ang susunod at kailangang laging handa ang puso ko.

Kaya ko kaya?

 

Reader's Comments

  1. kuting | September 15th, 2009 at 5:22 am

    you can do it doc mnel… matagal na kong sumusubaybay (parang teleserye lang..Ü) dito sa blog mo.isa ka sa mga unang blog na napuntahan ko sa pag ba blog hop q. nararamdaman kong kayang kaya mo lahat ng challenges na kakaharapin mo bilang isang doktor..

    go go go doc mnel…Ü

    taking care…Ü

    Reply to this comment
  2. Jakey Junkie | September 20th, 2009 at 2:32 pm

    Nakalulungkot ngang isipin na minsan, naitatanong natin sa ating mga sarili na parang bakit masyadong unfair ang buhay? Nangyayari ang mga masasamang bagay sa mga tao na hindi karapat-dapat makaranas ng kalupitan ng mundo.

    Sabi ni Gil Grissom kay Sara Sidle (CSI), “Sara… you got to learn to let this go or you’re going to spend all your time in hospitals trying to help the people you couldn’t save.”

    Pero as far as I know, isa kang alagad ng medisina na naglalayong mapabuti at mapalawig ang buhay ng tao. Maging matapang ka sa pagharap sa iyong misyon. Nalalaman naman na ginagawa mo ang lahat upang mapabuti ang kalagayan ng mga pasyente. More power to you. Kaya mo ‘yan.
    .-= Jakey Junkie´s last blog ..Nang Biglang =-.

    Reply to this comment

Leave a Comment

space