space

Panaginip

 

Nagulat akong madilim ang paligid at pawisan ako sa pagmulat ko. Walang kahangin-hangin. Walang nakabukas ni isa man sa apat na bentilador na nakahilera sa paanan ng mga kama namin. Naririnig ko ang tic-toc ng pulang alarm clock sa tukador. Ganun katahimik ang paligid. Ako lang pala mag-isa dito ngayon. Duty silang lahat. Naalala ko bigla kung bakit ako naliligo sa sarili kong pawis. Nilalagnat nga pala ako kanina nung natulog ako. Wala namang bago. May sakit na naman ako. Ako na yata ang pinakasakiting duktor sa larangan ng medisina. Tanggap ko na yun na walang kasing puny ang immune system ko.

Hindi naging maganda para sa katawan ko ang pag-uwi ko sa Antique noong isang araw. Overnight stay lang yun. Ginawa ko lang parang Laguna ang Antique pero lahat ng iyon tiniis ko, makita ko lang si kuya sa huling pagkakataon bago siya tuluyang mabulok, uurin at pagpiyestahan ng samu’t-saring mikrobyong laman ng lupa. Hanggang sa pagkakataong ito, hindi pa rin ako makapaniwala sa kabilisan ng mga pangyayari. Huli ko siyang nasilayang humihinga araw matapos ng bagyong Ondoy. Hindi ako nakauwi ng Las Pinas dahil binaha ang lahat ng daraanan ko. Hinatiran lang ako ni kuya ng gamit dahil duty ako noon. Bago siya umalis sakay ng silver jazz na sasakyan ko, naghabilin pa siya na kung pwede eh bayaran ko online gamit ang credit card yung tiket niya papuntang Antique na hindi ko naman nagawa dahil sa kakuparan ng internet sa ospital. Kung alam ko lang na yun na ang huling araw na makikita kong buhay si kuya, eh di sana niyaya ko muna siyang magdinner kahit sa kalapit na Burger King para naman mahaba-haba ang huling pagsasama namin.

May aaminin ako. Hindi ako sweet na tao. Hindi ako ma-text o matawag sa mga mahal ko sa buhay. Sumpungin din ako at madalas mataray at maldita ako. Sa loob ng tatlong linggong nawala si kuya, ni hindi ko man lang siya tinext ng kahit isang “Kumusta ka na?” kaya ngayon, sising-sisi ako.

Hindi ko makalilimutan yung gabing nakuha ng nanay ko ang tawag mula sa probinsiya. Pasado alas-diyes ng gabi, ika-18 ng Oktubre taong 2009. Tumawag si Manang Susan, yung katiwala namin sa bahay ng namayapa kong lola. Naaksidente raw si kuya sakay ng isang motor. Tumilapon. Dinala na raw sa ospital pero hindi na raw gumagalaw at dumudugo ang tainga. Bilang tanging taong nakakaintindi ng usaping medikal, ako ang kumausap sa duktor na tumingin kay kuya. GCS 3 na raw siya. Sa lengguwahe ng mga mortal, comatose: Hindi bumubukas ang mata.Hindi nagsasalita. Hindi gumagalaw. At sa puntong iyon alam ko na; sa madaling-sabi, halos patay na si kuya. Maagapan man ang pamamaga ng utak niya o maalis man sa utak niya ang dugo, malabong bumalik pa si kuya sa kung ano siya dati. Parang taning ang GCS 3. Kumbaga, dito sa ospital, kinakausap na namin ang mga kamag-anak tungkol sa posibilidad na magpa-DNR na sila. Do Not Resuscitate.

Iba pala ang pakiramdam kapag kamag-anak mo na yung naghihingalo. Kahit na alam mong wala na siyang pag-asa, maglalaro pa rin sa isipan mo yung posibilidad ng isang mirakulo. Yung parang bubukas ang langit, bababa si Hesu Kristo at bubuhayin niyang muli ang nangamatay na tao. Revelation. Hanggang sa huling sandali, umaasa pa rin ako – kami – ng kahit anong mirakulo.

Isa. Dalawa. Tatlo. Apat na araw ding nakipagpustahan kay kamatayan si kuya. At sa ikapat na araw, tuluyan na siyang bumigay. Nasa Ophtha OPD ako noong makuha ko ang balita. Para akong si The Flash sa bilis ng takbo ko paakyat sa callroom kung saan para akong sanggol na humagulgol sa pagkawala ni kuya.

Napakabilis. Sa isang iglap, wala na si kuya. Wala ng susundo sa akin kapag hindi ako pwedeng sunduin ni mama. Wala ng magdadaan dito ng mga gamit ko o kukuha ng mga labada ko sa gitna ng linggo. Wala ng mangungulit sa akin para iuwi ang mga hanger na ginamit para sa mga uniporme ko. Wala ng mag-aayos ng mga sirang kable, gripo at kung anu-ano pang pwedeng masira sa bahay. Wala ng magbubukas ng radyo at makikinig sa tambalang balasubas at balahura sa umaga. Wala ng magpapatugtog ng Miss Saigon soundtrack o ng kahit na anong Lea Salonga. Wala ng bibirit ng “My Way” sa videoke at magpupumilit na maganda ang boses niya. Wala ng manonood kay Willie at sa Wowowee. Wala ng magdedecorate at magreredecorate ng bahay naming dahil feel lang niya. Wala ng magluluto ng mga pagkaing experiment lang pero in-fairness-masarap. Wala ng mamumulot ng homeless na kuting sa labas ng bahay namin at pakakainin tsaka gagawing parte ng household namin. Wala ng magtuturo sa Mynah naming si Kuku na humalinghing gaya nung recorded MP3 niya sa celphone ng babaeng nag-you-know-what. Wala ng maiinis sa mga lovebirds dahil tinatapon nila yung mga itlog nila. Wala ng magchcheck ng tubig sa tangke kung puno na ito. Wala ng gagawa ng masarap na siomai at maglalagay ng sandamukal na sili sa isa sa mga siomai para sa malas na kakain nito (aka “Happy Siomai”). Wala ng magttransform ng bahay namin into a mini-Enchanted Kingdom tuwing pasko. Wala na. Wala na si kuya at iilan lang ito sa mga bagay na mamimiss namin ngayong wala na siya.

Sabi ko noon ayokong makita ang taong naging dahilan ng kamatayan niya – yung lasing na driver ng motor na inangkasan ni kuya dahil kako, baka kung ano ang magawa ko sa kanya. Pero noong huling gabi ni kuya, nakita ko siya at di ko nagawa ang mga bagay na naiisip kong gawin sana. Siguro dahil sa hiya. Pilit kong inaalam sa kanyang mukha kung meron ba siyang bakas ng pagsisisi sa mga nangyari, pero hindi ko makuha. Hindi ko man siya nasampal o nasabihan ng masasakit na salita, isa lang ang hiling ko: na sana nakakaya niyang matulog ng mahimbing sa gabi ng hindi umuulit-ulit sa isipan niya ang mga pangyayari noong gabing naaksidente sila ni kuya.

Wala na si kuya. Sa totoo lang, hindi namin alam kung paano kami babangon muli.

Rest in peace Kuya Jori. Maraming salamat sa lahat. Mahal ka namin.

Credits: “Candles” by Pawel Sawicki

———————

Gajorih Jongco-Galedo
(July 10, 1976 – October 22, 2009)
Si Kuya Jori ay hindi ko totoong kuya. Isa siyang malayong kamag-anak na tumira sa amin sa loob ng labing-apat na taon. Hindi siya isang katulong, isang boy o isang driver. Isa siyang parte ng pamilya namin: kumakain kami sa iisang plato at gumagamit ng lahat ng pag-aari na meron kami. Siya ang runner at right-hand man ng mga magulang ko. Trusted and trust-worthy. Umuwi si kuya sa Antique para ihatid ang lolo niyang namatay kamakailan dahil sa sakit sa kaniyang huling hantungan. Pauwi na siya noong ika-19 ng Oktubre pabalik ng Maynila ngunit sa dakong pasado alas-diyes ng gabi, araw ng Linggo, ika-18 ng Oktubre, nakabanggaan ng inaangkasan niyang motor ang isang nagbibisikleta. It was a case of drunken driving. Lasing ang kaibigan niyang nagmamaneho ng motor. Sa lakas ng tama, tumilapon si kuya at natagpuan may apat na metro ang layo mula sa motor na inangkasan niya. Severe head injuries ang tinamo ni kuya at matapos ang ika-apat na araw sa ICU, tuluyan na siyang namatay.

Isa na namang buhay ang kinitil ng drunken driving.

Tags: , , , ,

 

Reader's Comments

  1. en-ey* | November 2nd, 2009 at 1:54 pm

    hmmmmmmmm. . .naiyak naman ako dun. . .sana mas masaya na sya ngayon.

    ingat ka ate…laaaaaaaaab!

    Reply to this comment
  2. pauee | November 2nd, 2009 at 2:37 pm

    Wah. Medyo iyak lang naman ako ng iyak. Tapos may picture pa ni kuya jori. Ambilis ng lahat, di pa din ako makapaniwala.

    May Kuya Jori rest in peace.

    Reply to this comment
  3. Gugol | November 2nd, 2009 at 4:29 pm

    :’-(
    .-= Gugol´s last blog ..First Anniversary =-.

    Reply to this comment
  4. mia | November 4th, 2009 at 11:12 am

    hay doc. condolence po. :( may kuya jori rest in peace po
    .-= mia´s last blog ..Pic 1 =-.

    Reply to this comment
  5. reah | November 5th, 2009 at 9:38 am

    i also miss him so much…till now lagi ko xa naalala namimiss ko yung araw2 nyang text sa akin na “churvah,kembular na ba?”i miss you so much kua jo,thanks din sa lahat2 ng nagawa u para sa akin at sa aming lahat..till now nd parin ako makapaniwala na wala ka na.

    Reply to this comment
  6. Jakey Junkie | November 6th, 2009 at 3:27 pm

    I extend my sincerest sympathies for your loss. Kuya will always watch over you from wherever he is. Hoping for your emotional recovery, too.
    .-= Jakey Junkie´s last blog ..Hi Girls, I’m Girls =-.

    Reply to this comment
  7. Saminella | November 7th, 2009 at 1:30 pm

    (cozy)

    Reply to this comment

Leave a Comment

space