space

I Speak

 

Alas-kwatro ng madaling araw. Nagising ako sa tunog ng alarm mula sa telepono. Kumuha ako ng tuwalya at nagtungo sa banyo upang magpainit ng tubig. Sandali palang ang nakalilipas ng makarinig ako ng pag-ring ng telepono mula sa loob ng kwarto. Alas-kwatro y media. Bakit naman tatawag sa akin si Carmela ng ganitong oras?

“Mnel, bad news.” Humihikbi si Mela sa kabilang linya. “Nasusunog ang Cabiao. Si Migs palang ang nakalabas. Hindi pa nakikita yung tatlo.”

Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Pero sa kabilang-banda naglalaro sa isip ko na baka nakalabas yung tatlo at tumakbo kaya hindi pa nakikita. Sa isip ko, imposibleng masunog ang community clinic sa Cabiao. Hindi naman fire-hazard yun, ang pagrarason ng utak ko.

“Tawagan mo yung ate nina Jen at Jessa. Kailangan malaman nila.”

Tuliro ang isip ko. Dalawang telepono ang hawak ko sa mga kamay ko pero hindi ko malaman kung ano ang una kong kakalikutin. Ni hindi ko alam kung sino ang unang tatawagan. Saka ko palang naalala na wala akong number ng mga ate nila. Hindi naman namin ugaling magtatawag sa mga kamag-anak ng isa’t-isa. Naalala kong tawagan si Christianne, yung kagrupo kong nakatira sa Legar kung saan nakatira din si Jessa at ang ate niya. Pinapuntahan ko si Ate Jenalyn sa kabilang unit para gisingin. Wala raw sumasagot at ang sabi ng gwardiya, umalis na raw. Ang bilis ng mga pangyayari.  Ilang beses pang nagkausap kami ni Mela at sa bawat pag-uusap ay papangit ng papangit ang balitang dumarating sa ulirat ko.

“May nakita na silang isang katawan. Sigurado na raw na isa ang patay.” Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Hanggang sa nakita ko na lang ang aking sariling umiiyak sa paanan ng kama. Humihikbing parang sanggol.

“Totoo ba? Baka naman hindi totoo. Tumawag ka muna sa iba.” Payo ng mga kasambahay ko sa akin.

Dali-dali kong kinuha ang telepono at tinawagan si Mcoy – ang taong tinuro ni Mela na unang nakatanggap ng masamang balita.

“Totoo Mnel. Nandito ako ngayon sa Cabiao. Kasama ko na si Migs. Tatawagan na lang kita ulit. Ittable na siya.” Sabay baba ng telepono. Kung ano mang natitirang pag-asa meron ako sa mga oras na iyon ay nawalang parang bula. Ni hindi ko nagawang itanong kung nasaan sila Jen, Cecille at Jessa. Hindi ko nagawang itanong at ayaw ko ring malaman mula sa kanya ang katotohanan. Naduwag ako.

“Christianne… totoo daw. Nandoon na si Mcoy sa Cabiao. Ittable na raw si Migs.”

“Nasaan yung tatlo?”

“Hindi ko alam. Hindi ko naitanong. Tawagan mo naman siya ulit please.”

Iyon na yata ang pinakamahabang dalawang minuto ng buhay ko. Maya-maya pa’y nagring na ang telepono ko.

“Mnel…” Humihikbing sagot ni Christianne.

“Huwag kang ganyan! Bakit? Bakit ka umiiyak?” Kinutuban na ako sa sasabihin niya.

“Wala na sila.” At sa pagkakataong yon, napuno na ang bahay namin ng magkahalong sigaw at hagulgol ko.

“Wag mong sabihin yan! Christianne naman! Anong wala na sila? Hindi pwede yun. Hindi pwede!”

Niyakap ako ni Giselle at ni Daryl sa kabila ng hagulgol at mga sigaw ko.

Nagpunta kaming apat: ako, si Mela, si Christianne at si JC sa Cabiao mag-alas-singko y media ng umaga. Alas-siyete kami dumating. Malayo palang ay tanaw na ang mga taong nakikiusisa sa nangyaring sakuna.

Para akong nasa seryeng CSI. Hinarangan ng dilaw na “DO NOT CROSS” ang paligid ng klinika. Basa ang sahig at nagkalat ang mga bubog. Sa unang pagkakataon matapos ang walong buwan ay nasilayan kong muli ang mga pamilyar na mukha nina Dr. De Leon, Dr. Macabulos at Doc Ricky, yung dentista ng Cabiao Community Clinic. Bakas sa mukha nila ang pagod at kalungkutan sa kalunos-lunos na pangyayaring naganap ng umagang iyon. May yumakap sa akin na babae. Hindi ko siya kilala pero nag-alay siya ng pakikiramay. Mugto na ang mga mata ko noong mga panahong iyon. Nakita ko si Mcoy na yumakap sa akin.

“Nasaan sila?” Tanong ko sa kanya.

“Nasa itaas. Hindi pa ginagalaw. Hinihintay nila sina Dr. Ortigas. Parating na sila.” Nagsimula na naman akong umiyak. “Huwag ka ng umakyat Mnel”.

Hindi ko alam kung aakyat ba ako o hihintayin na lang ang pagbaba sa kanila. Gusto ko silang makita ngunit sa kabilang banda, hindi ko alam kung handa ba akong makita sila sa sinapit nilang kamatayan. Iniabot sa akin Mcoy ang isang lalagyan ng salamin na napulot niya sa itaas. Salamin ni Jen. At tuloy-tuloy na namang umagos ang mga luha ko.

Maya-maya pa’y dumating na ang pamilya ni Jessa at hindi ko napansing naroroon na rin pala ang pamilya ni Cecille. Umakyat sila sa itaas pagkarating ng mga opisyal mula sa aming paaralan. Niyakap ako ni Dra. Tapia noong makita niya ako. Mugto ang mga mata niya at di siya matigil sa pagtangis. Sumunod kaming apat.

Hindi ako makapaniwala sa aking nakita. Wala na ang maaliwalas na community clinic na iniwan ko noong Hunyo. Kapalit nito ay ang tupok na tupok na 2nd floor. Wala ng natira sa itaas kung hindi ang pader, ilang piraso ng bakal at ang metal frame ng dating double deck na tinutulugan namin noon. Hindi ko nagawang pumasok sa CR kung saan naroroon ang bangkay nila. Hindi ko kayang makita sila sa ganoong kalagayan.

Isa-isang nilabas ang mga bangkay: si Jessa, si Jen at si Cecille. Kung hindi dahil sa pagkakaiba ng kanilang mga buhok ay hindi namin sila makikilala. Unti-unting nadurog ang puso ko. Wala na ang mga kaibigan ko.

Sandali lang kami naglagi sa Cabiao. Hindi namin nakita si Miguel na sa mga oras ding iyon ay dinala na sa Maynila para ma-confine sa St. Luke’s. Katahimikan ang bumalot sa loob ng sasakyan habang pauwi na kami pabalik ng Maynila. Ni hindi namin nagawang kumain o uminom ng tubig. Panaka-naka’y makakarinig ka ng mga hikbi na nanggagaling sa aming tatlo at ang patuloy na pagring ng aming mga telepono mula sa mga kakilala at mga kaibigan na nakikibalita.

Sa totoo lang, dumating ang pagkakataon noong araw na iyon na nagmistula akong bato – walang nararamdaman habang paulit-ulit kong kinukwento sa mga kaibigang nakikibalita ang tungkol sa sinapit nila. At sa mga panahong iyon ay binalot ako ng takot dahil alam kong darating ang panahong babalikan akong lahat ng emosyong tinakasan ko.

Ngayon ang ikaapat-napu’t tatlong araw ng kamatayan ng mga kaibigan ko.  Ang araw na ako naman ang magsasalita.


Mnel, Jessa and Jen. February 2, 2007.

Jen, Jessa. Miss na miss ko na kayo. Tayong tatlo ang magkakasama mula noong unang araw natin sa medisina. Sabay-sabay tayong nangarap at magkakasama tayong nagtiis sa loob ng halos apat na taong ginugol natin sa larangan ng medisina. Madaya kayo. Iniwan niyo kami ni Mela. Sa isang iglap, nawalan ako ng kaibigan. Hindi lang ng isa – kung hindi dalawa pa. Nawalan ng saysay ang mga pangarap na binuo nating apat.

Jen, Jessa, naririnig niyo ba ako?  Kasi mahal na mahal ko kayo.

Sobra. Sobra.

Tags: , , , , , ,

 

Reader's Comments

  1. Pauee | March 23rd, 2010 at 11:19 pm

    Hay ang lungkot pa din. Kelan tayo makakarecover? Ilang tao din ang nawala sa buhay natin ng wala pang 2 taon.
    .-= Pauee´s last blog ..Para sa taong pinakanamimiss ko sa lahat.. =-.

    Reply to this comment
  2. Pedro | March 24th, 2010 at 8:08 am

    ako man hanggang ngaton gulat na gulat. kasama ko lang kayo nung december sa yuhoo. tapos una’t huling pagkikita na pala ‘yon. nakakaguilty na hindi man lang ako nagtagal.
    .-= Pedro´s last blog ..Hello World =-.

    Reply to this comment
  3. Saminella | March 24th, 2010 at 8:20 am

    hug.

    Reply to this comment
  4. Gugol | March 24th, 2010 at 7:32 pm

    Hindi ko na nagawang magpakwento sa inyo nina Maricar kasi alam kong masakit pa para senyong maglahad at para sa aking makinig.

    Hinahangaan ko ang lakas ng loob mo. Yun lang ang masasabi ko.

    Napakahirap humanap ng kaibigang tunay. At napakabigat sa loob na mawalan nito. Lalo na sa iyong dalawa pa ang lumisan.

    Sayang lamang at hindi ka namin nakasama noong Sabado. Ngunit amin namang naintidihan dahil sa pagkakasabi sami’y nasa piling ka naman ni Jessa.

    Jessa. Di ko man lamang siya nakilala. Madalas din siyang laman ng kwento ni Jen. Sa kanya ko rin nalaman na kasintahan pala siya ni Keith, kaklase ko noong hayskul.

    Grabe. Hindi ko alam kung paano isasalarawan ang lungkot na nadarama ko, nadarama nating lahat.

    Pero kaya naman natin ito. Ikaw, isang taon na lang, magtatapos ka na. Kung papalarin, ako rin tapos na sa graduate studies ko. Mga bagay na pinangarap natin kasama si Jen (at si Jessa).

    Mas lalo lang tayong tatatag nito. Hindi naman natin sila makakalimutan. Bukod tangi sila sa mga puso natin.
    .-= Gugol´s last blog ..Masyado na Atang Napapadalas ang Pamamalagi Ko sa Tumblr =-.

    Reply to this comment
  5. Gugol | March 24th, 2010 at 7:57 pm

    Whoops, my bad. Si Cecille po pala yung girlfriend ni Keith. Gotta start taking those Glutaphos placebo pills again.

    Sorry, sorry.

    Reply to this comment
  6. Ches | March 25th, 2010 at 7:53 am

    naiyak ako kahit di ko sila kilala.
    having goosebumps.
    .-= Ches´s last blog ..But I got this ice box where my heart used to be. :\ =-.

    Reply to this comment
  7. gaye | April 6th, 2010 at 11:21 am

    =( m’nel…nasad namn ulit ako…sigh…

    di na tyo ngkita since the last time you went to the apartment…

    sana mgkita namn tyo soon…

    Reply to this comment
  8. callcenterguy | April 6th, 2010 at 11:59 am

    Please accept my condolences. God Bless
    .-= callcenterguy´s last blog ..A Jingle For Filipino Call Center Agents =-.

    Reply to this comment
  9. Yvie | April 25th, 2010 at 10:01 pm

    :( Di ko alam ang sasabihin ko pinsan. Ang dami mo ng pinagdaanan. Masakit mawalan ng mahal sa buhay.

    *hug*

    Reply to this comment
  10. en-ey* | May 3rd, 2010 at 7:43 pm

    naiyak ako… hug widakeyp ate.
    .-= en-ey*´s last blog ..rong mub sa bagong taon =-.

    Reply to this comment

Leave a Comment

space