space

OR 3

 

“Doktora, ilipat natin yung setup mo sa kabilang kwarto ha?”

Bulong sa akin nung panggabing nurse na kasama kong magduty kagabi habang nag-aabang ako sa fully dilated na buntis sa Labor Room.

“Ha? Bakit?” Tanong ko sa kanya habang nagliligpit ng mga kagamitang kakailanganin sa paglabas ni baby. Mangyari kasing sa Nursery ako ngayon nakadistino para sa unang dalawang linggo ko sa Pediatrics. Sa delivery room naman ang tambayan namin tuwing duty post para mag-abang sa paglabas ng mga isisilang na sanggol.

“Eh kasi ayaw nila dito sa kwartong ito. Marami na kasing nangyari dito”. Tuloy pa ng kaibigan kong nurse. “Nagsimula yun noong Abril… nung may namatay dito sa kwartong ito.”

Bagaman hindi na kaiba ang may namamatay sa ospital, sa loob ng halos dalawang taon kong pamamalagi sa ospital na yon ay mabibilang ko sa aking mga kamay ang mga namamatay habang nasa operating room – at kung meron mang buntis na namatay sa delivery room ay isa iyong malaking usap-usapan sa premyadong ospital na iyon.

“Isang buwan pagkatapos mamatay ng pasyenteng yun, bigla namang nagkaroon sa problema sa paghinga yung isang pasyenteng inooperahan dito rin sa kwartong ito. Dinala pa nga sa ICU yung pasyente pagkatapos.”

“Bakit? Anong nangyari? Madugo yung operasyon?”

“Hindi nga eh. Ewan ko nga ba. Bigla-bigla na lang na nag-desaturate yung pasyente ng walang kadahi-dahilan. Nagkagulo sila dito. Tapos tsaka lang namin naalala na eksaktong isang buwan na pala noon nung may namatay dito.”
*Desaturate = ang pagbaba ng oxygen content ng dugo. Karaniwang nasa 98-99% ang oxygen saturation ng tao.

Sa puntong ito, tahimik na akong nagliligpit ng mga pang-suction at pang-resuscitate ng sanggol.

“Pagkatapos nun, lagi na lang nagkakaroon ng problema sa mga procedures na ginagawa dito sa kwarto na ito. Dito rin yung repeat CS nung isang buntis na pagbukas nila eh, patay na yung bata sa loob. Ang nakapagtataka eh sa loob ng labor room, pinakinggan pa nila yung heartbeat nung sanggol at meron pa naman daw. Pagdating dito sa loob, wala na, patay na pala.”

“Ha? Pwede ba yun?”

“Nakapagtataka nga eh. Wala namang cord coil yung baby. Bigla na lang namatay.”

*Cord coil = pagpulupot ng umbilical cord ni baby sa ano mang bahagi ng katawan nito… karaniwang sa leeg na pwedeng makadulot ng pagkakasakal ng baby.

Sa puntong iyon ay parang  kinikilabutan ako habang nasa loob ng kwartong iyon. Hindi ko alam kung dahil bigla’y nakaramdam ako ng kakaibang presensyang kasama namin noon o dahil tinatakot ko lang ang sarili ko.

“Magmula noon, ayaw na nilang gamitin itong kwartong ito para magpaanak ng buntis. Ayaw na nilang may procedure na ginagawa dito kung maaari. Nagtotoxic kasi.”

Hindi ko alam kung matatakot ako sa mga rebelasyong iyon o matatawa. Sino naman ang magaakala na sa ospital kung saan siyensiya at medisina ang nananaig ay nabubuhay ang iba’t-ibang pamahiing akala ko noo’y sa probinsiya at sa mga matatanda lamang maririnig?

Wala akong nagawa. Matahimik akong naglipat patungo sa kabilang kwarto. Sa paglabas kong iyon kasabay ng pagpatay ng ilaw ay nakulong sa kadiliman ang kung ano mang kahiwagaan na bumabalot sa sa malamig na silid na iyon…

… at hindi ko na nagawa pang lumingong muli.

——————————————————–
Ang lathalang ito ay isinulat noong ika-5 ng Nobyembre. Dalawang araw ang lumipas, muli na namang ginamit ang kwartong iyon para sa isang caesarean operation. Ngunit ilang minuto bago pa man magsimula ang nasabing operasyon ay biglang pumutok ang panubigan ng pasyente at nag-cord prolapse. Pitong minuto bago nailabas sa isang mabilisang caesarean operation ang sanggol na muntikanan nang makitilan ng buhay.

Tags: ,

 

Reader's Comments

  1. callcenterguy | November 12th, 2010 at 8:12 pm

    Bakit di pa pabentisyunan yung kwarto? I know it’s the modern age now. Pero wala namang mawawala di ba?
    .-= callcenterguy´s last blog ..Dracula =-.

    Reply to this comment

Leave a Comment

space