space

Ganito Talaga Kapag Tag-Ulan

 

Lola at Lolo circa 2003 with photobomber.

Isa sa mga dahilan kung bakit napili ko ang mag-Pedia ay yung mahina kasi ang loob ko sa mga matatanda. Sa totoo lang, mas naaawa ako sa mga matatandang nanlilimos sa kalye kesa sa mga batang karay-karay ng mga magulang nila habang kumakatok sa mga bintana kapalit ng kaunting barya. Siguro dahil sa lumaki ako sa mga lolo at lola ko habang nagttrabaho naman ang aking mga magulang.

Mas close ako sa lolo ko kesa sa lola ko. Tahimik lamang si lolo pero alam mong kahit hindi siya nagsasalita o kahit minsan puro “p*tang*ina” ang lumalabas sa bibig niya (expression niya kasi yun), alam mong mahal ka niya bilang apo niya.

Noong maliit pa ako at nag-aaral palang ng nursery, ang lolo ko ang taga-hatid-sundo sa akin. Ihahatid sa tanghali tapos susunduin sa hapon. Maglalakad lang kami sa kahabaan ng Airport Road papunta sa NFWC at sa hapon, panaka-naka ay idadaan niya ako sa bilihan ng hotdog at ng cotton candy bago umuwi. Isa sa pinakamasasayang araw ko noong bata ako ang kumain ng cotton candy dahil wala naman akong baong pera noon kaya minsan lang ako makatikim. Noong nagsimula na akong mag-aral sa eksklusibong paaralan ng mga babae, humaba ang biyahe namin ni lolo. Sumasakay na kami ng dyip papunta sa La Huerta. Paminsan, makakasabay pa namin yung kaklase kong sa laki at tangkad ay mapagkakamalang grade 3 kahit na nasa unang baitang palang kami noon. Mag-isa niyang tinatahak ang daan pauwi samantalang ako’y hawak-hawak ng aking lolo.

Isang beses sa isang linggo na lang kami magkita ng lolo ko noong lumipat kami sa Las Pinas at sa tuwina’y sila nina lola ang mapapadpad dito. Sa mga huling sandali ng buhay niya, lumipat na rin sila ng tahanan dito malapit sa amin.

Ang kamatayan ng lolo ko ang isa, kung hindi ang pinakamalungkot na kamatayan siguro sa aking buhay. Ang mga huli niyang nalalabing sandali marahil ang isa sa pinakamalungkot na pasko at bagong taon ng buhay ko. Mga panahong ginugol sa loob ng ospital habang nakaratay ang taong nagpalaki at nag-aruga sa akin.

“Kawawa naman yung matanda. Bigyan na kaya natin ng pagkain.”

Nagtatalo ang tiyahin ko at ang aming kasambahay sa kung ano ang gagawin. Sumilip ako at nakita ang isang matandang lalaki na sa tantiya ko ay lagpas sitenta anyos na nagbubungkal ng ligaw na damo gamit ang kanyang mga kamay sa hardin ng katapat naming bahay. Alas-dose na noon at nalaman kong kanina pa raw nagbubungkal yung matanda. Marahil nga dahil sa nakatambak na damo at ang isang malinis ng parte ng hardin.

“Hindi pa yata yan nagmemeryenda”. Tsismis sa akin ni Tita B.

“Bakit kasi hindi niyo bigyan?” Nagtataka kong tanong. At doon ko na naintindihan kung saan nagmula ang pagtatalo. Ang siste, nahihiya ang tiyahin kong magbigay ng pagkain doon sa nagttrabahong matanda dahil baka raw masamain nung may-ari ng bahay.

“Eh bakit naman? Hindi naman siya ang bibigyan mo ng pagkain.”

Sa di kalaunan, nanalo ako at naabutan nga ng mainit na kanin at dalawang pirasong piniritong hotdog si lolo. Dinagdagan pa namin ng dalawang pirasong puto at isang bote ng malamig na tubig. Nagpasalamat ang matanda subalit nagpatuloy siya sa kanyang ginagawa ng hindi man lang ginagalaw ang inihandog naming pagkain.

Paminsan-minsan, sinisilip ko siya mula sa bintana habang gumagawa ako research proposal at tuwina ay nakikita ko siyang nakayuko habang dahan-dahang binubunot ang bawat isa sa ligaw na damo. Hanggang sa dumilim ang langit at nagsimulang umulan. Mahina nung una na di nagtagal ay lumakas. Inalala namin si lolo na noong mga panahong iyon ay tumayo sa gitna ng ulan para lamang buksan ang payong na kanyang dala.

At ganun na nga nangyari. Sa ilalim ng init at bugso ng ulan, patuloy si lolo sa kanyang pagbubungkal ng damo. Ni hindi ko nga yata siya nakitang tumigil para sumubo ng kanin o ni hindi nagpapigil kahit inaya na siya ng may-ari ng bahay na tumigil pansamantala.

Naisip ko tuloy ang lolo ko na kung sa paanong paraang sa kahuli-huling sandali ng buhay niya at hindi na niya kinailangang magtrabaho dahil sinuwerte siya sa mga anak niya. Hindi na niya kinailangang bumalik sa pagiging security guard para magbantay ng mga taong hindi naman niya kaanu-ano. Napabaling ulit ang atensyon ko sa matandang nagbubungkal ng damo. May pamilya kaya siya? Nasaan na ang mga anak niya? Bakit siya hinahayaan sa ganitong trabaho kapalit ng mumuting halaga? Hindi kaya siya magkasakit pagkatapos nito? Paano na ang kalusugan niya?

At wari’y biglang sumagi sa aking imahinasyon ang kanyang pigura sa ER ng pampublikong ospital na pinapasukan ko.

Alas-singko ng hapon. Sandali akong nagpahinga habang sinusulat ang huling talata ng sanaysay na ito. Sumulyap muli sa bintana at tinanaw si lolo ngunit wala na siya sa patse ng lupang binubungkal niya. Nakita ko siyang nakayukod sa harapan ng gate hawak ang pagkaing iniabot namin sa kanya.

Lalo pang lumakas ang buhos ng ulan…

 

Reader's Comments

  1. igno | June 23rd, 2013 at 12:59 am

    DOC! You’re f*ckn back!

    Reply to this comment
  2. jade | June 26th, 2013 at 12:00 pm

    hindi kita kilala pero nalilibang akong magbasa ng blog mo

    Reply to this comment

Leave a Comment

space