space

Ito Kasi Ang Uso

19 Jun 2013 Featured, isyu, pabati
 

Maputi, posturang-postura at nakasalamin. Eto agad ang napansin ko sa kanya ng pumasok siya sa pintuan. Napangiti ako at napabulong ng “Ang pogi naman nito” habang pinagmamasdan siya.

“Hala. Nakasarado lahat.” Malungkot niyang sinabi sa isang babaeng kasunod niyang pumasok sa pampublikong palikuran.

“O, huwag mong bubuksan ha.” Paalala ng kanyang ina na katulad niya’y, maputi, malinis at postura sa suot niyang bulaklaking blouse and puting pantalon. Hayaan niyo maging mapang-mata akong sandali. Sa estima ko’y nasa upper middle class sila ng ating sociedad.

Anim na taon ang tantiya ko sa batang pumukaw ng aking atensyon. Ang ina niya, siguro’y lampas trenta’y-singko anyos. Nang ako’y nakapasok na sa palikuran, naririnig ko ang pag-uusap ng mag-ina sa kabila sa purong wikang Tagalog at hindi ko mapigilang hindi mapangiti.

Kaninang nakita ko siya, halos 100% porsiyentong sigurado akong maririnig ko siyang magsasalita sa wikang Ingles gamit ang mga salitang bibo pakinggan galing sa batang kaedad niya. Hindi iyon ang unang beses kong makakasalamuha ng mga kabataang  katulad niya na matatas pa sa akin mag-Ingles at minsan pa nga ay may American accent pa.

Naaalala ko tuloy yung pag-uusap ng aking ina at ng kapitbahay naming may mga apo na.

“Naku. Nauubusan nga ako sa mga iyan ng Ingles.” Pagrereklamo ng kapitbahay namin kay mama.

“Eh kasi naman, ang gagaling mag-Ingles niyang mga apo mo.” Sagot naman ni mama.

“Puro Ingles kasi sila sa bahay kapag kinakausap ng mama at papa nila.” Proud na proud na pagkakasabi ng kapitbahay naming itago natin sa pangalang Aling Minda.

Lumipas ang ilang buwan at narinig kong nagkkwentuhang muli si Aling Minda at ang aking ina sa labas ng gate.

“Naku. Yung apo kong si Hannah, namomroblema ang mama niya. Bagsak kasi sa iskul sa subject niyang Pilipino.” 

Hindi ko maiwasang mapailing. Heto si Hannah, ipinanganak sa Pilipinas, lumaki sa Pilipinas at  hindi kailangan mang nakaalis ng Pilipinas ay bumabagsak sa lengguwaheng dapat ay alam niya. Hindi ko na nasundan pa ang kwentuhang iyon  o kung ano ang ginawa ng mga magulang niya sa sitwasyong iyon.

Nakakatawa. Sa kagustuhan ng mga magulang niyang maging bihasa siya sa Ingles, nakalimutan nilang ituro ang Tagalog sa kanya.

“Para pagdating sa iskul hindi siya mahirapan sa Ingles.” Sagot ng isa ko pang kakilala noong minsang naitanong ko kung bakit sinasanay niyang Ingles ang gamitin ng mga anak niya. Lumipas nga ang ilang taon at parehong hinagpis ang kinaharap niya: kung paanong hindi maintindihan ng pobreng mga bata ang aralin sa wikang Tagalog.

Gusto ko tuloy habulin ang kaibigan ko  ng sagot ngayon at sabihing hirap pa rin naman ang bata sa paaralan. Yun nga lang hindi sa Ingles kung hindi sa Tagalog na sarili pang lengguwahe ng bansang sinilangan niya.

Hindi ko alam. Bakit ba kasi nagkaroon ng ganitong klase ng ideyolohiya? Ang pagtuturo sa kabataan ng salitang banyaga bilang unang lengguwahe niya? Bakit? May masama ba sa pangungusap ng Tagalog? Eh sa Pilipinas naman tayo nakatira! Magbubuhat na ako ng sariling bangko. Magaling din naman ako sa Ingles subalit kahit kaila’y hindi ako kinausap ng aking ina sa wikang Ingles sa bahay. Ang kaalaman ko ay natutunan sa mga libro at pagtuturo sa paaralan. Hindi naman ako lubos na nahirapan at ganun din ang sampu sa aking mga kaibigan, kaklase at kababatang lumaki sa wikang Tagalog.

Nakakapanghinayang kung paanong maling prayoridad ang naituturo sa mga katulad nina Hannah. Kung paanong ang ating sariling wika ay nagiging pangalawa na lang sa kanila… isang wikang banyaga na kailangang pag-aralan sa apat na sulok ng paaralan.

Hayaan ninyong tapusin ko ang sanaysay na ito gamit ang mga katagang minsa’y sinambit ni Gat Jose Rizal:

Ang hindi magmahal sa sariling wika, daig pa ang hayop at malansang isda.”

Mahalin natin ang sariling atin.

 

Maligayang ika-isandaan at limampung kaarawan po sa inyo Gat Jose Rizal!

Tags: ,

 

Reader's Comments

  1. apollo | June 20th, 2013 at 9:00 am

    maligayang pagbabalik doktora! :)

    Reply to this comment
  2. M | June 22nd, 2013 at 4:17 pm

    HALLO!

    Yung mga pamangkin ko, ganito din. Bagsak sa Filipino. Buti naturuan ng lola.

    Okay lang naman dahil nagamit naman nila yung pagiging sanay sa Ingles. Wala na sila sa Pilipinas eh, hehe.

    Reply to this comment

Leave a Comment

space