space

Madonna

 

Ilang beses na akong namamatayan pero parang first-time pa rin each and every time… parang sa kanta lang na “Like a Virgin”. Wala pang limang minuto nung lumabas ako sa kwarto nung pasyente naming itago na lang natin sa pangalang JS. Nung lumabas ako, humihinga pa siya, may pulso at may blood pressure pa. Lumalaban yung bata kahit na alam ng lahat ng tao na bilang na yung mga araw niya. Sa totoo lang, matagal na kasi siyang tinaningan.

At 4 years of age, masyadong marami nang pinagdaanan yung batang yun. Diagnosed with two primary malignancies in a span of 4 short years of his life… swerte sana siya kung lotto yung nabingguhan niya, pero hindi. Kanser. Which even in this era of Ipods and touchscreens, still remains to be a very scary disease.

Nagpapasalamat ako na noong mga panahong iyon, hindi na siya gumagalaw kahit na humihinga pa siya. Mas gusto ko yung mistula na lang siyang patay na buhay kesa yung gumagawa pa siya ng mga gestures na makabuluhan. Nung minsan kasing binisita namin siya at inexamin, itinaas pa ng maninipis niyang mga kamay yung shorts niya matapos namin siyang tingnan. At sa puntong iyon, parang sumikip yung dibdib ko at hindi ako makahinga. Naalala kong may pag-iisip pa siya at pakiramdam sa kabila ng halos mistula na niyang patay na kalagayan. Pero nung araw na yun na tinawag kong “The Day” nakahiga lang siya at humihinga, patuloy na lumalaban para mabuhay kahit wala ng kapag-a-pag-asa. At may limang minuto lamang pagkalabas ko sa kwartong iyon, nabalitaan ko na lang na tuluyan na siyang namaalam. Dali akong pumasok sa silid niya at nakita ang mommy niya na namumugto ang mata pero kalmado. Hindi siya yung imahe ng nanay na nagwawala sa pagkamatay ng anak niya. Bagkus, hinahaplos lang niya ng dahan-dahan ang ulo ng anak niya… mistulang naghehele ng sanggol. Para sa isang ina, masakit ang mawalan ng anak kahit pa gaano kabilis o katagal ang proseso ng pagkawala niyan. In the natural course of things, anak ang naglilibing sa ama at ina. Anak ang umiiyak sa puntod ng kanyang mga magulang at hindi ang kabaliktaran. Pero dito sa mundo ng Pediatrics, hindi maiiwasan ang maglibing ng batang pinaghirapang itaguyod at palakihin… mahirap at masakit mang tanggapin.

Hindi naman na lingid sa marami na natutuwa ako sa mga sanggol at pinakamasaya ako sa piling ng mga bata. Sabi nga nila, bagay ako sa Pedia dahil kaya kong pagtimpian ang mga batang makukulit at kaya ko silang pasunurin ng walang kahirap-hirap. Pero sa totoo lang, nagdadalawang-isip ako na pasukin ang larangang ito. Dahil hindi ko yata kayang mag-ala-Madonna sa tuwing may batang malalagutan na lang ng hininga.

——————————–

“Madonna and Child” – Image by Maulleigh

Tags: , , ,

OR 3

 

“Doktora, ilipat natin yung setup mo sa kabilang kwarto ha?”

Bulong sa akin nung panggabing nurse na kasama kong magduty kagabi habang nag-aabang ako sa fully dilated na buntis sa Labor Room.

“Ha? Bakit?” Tanong ko sa kanya habang nagliligpit ng mga kagamitang kakailanganin sa paglabas ni baby. Mangyari kasing sa Nursery ako ngayon nakadistino para sa unang dalawang linggo ko sa Pediatrics. Sa delivery room naman ang tambayan namin tuwing duty post para mag-abang sa paglabas ng mga isisilang na sanggol.

“Eh kasi ayaw nila dito sa kwartong ito. Marami na kasing nangyari dito”. Tuloy pa ng kaibigan kong nurse. “Nagsimula yun noong Abril… nung may namatay dito sa kwartong ito.”

Bagaman hindi na kaiba ang may namamatay sa ospital, sa loob ng halos dalawang taon kong pamamalagi sa ospital na yon ay mabibilang ko sa aking mga kamay ang mga namamatay habang nasa operating room – at kung meron mang buntis na namatay sa delivery room ay isa iyong malaking usap-usapan sa premyadong ospital na iyon.

“Isang buwan pagkatapos mamatay ng pasyenteng yun, bigla namang nagkaroon sa problema sa paghinga yung isang pasyenteng inooperahan dito rin sa kwartong ito. Dinala pa nga sa ICU yung pasyente pagkatapos.”

“Bakit? Anong nangyari? Madugo yung operasyon?”

“Hindi nga eh. Ewan ko nga ba. Bigla-bigla na lang na nag-desaturate yung pasyente ng walang kadahi-dahilan. Nagkagulo sila dito. Tapos tsaka lang namin naalala na eksaktong isang buwan na pala noon nung may namatay dito.”
*Desaturate = ang pagbaba ng oxygen content ng dugo. Karaniwang nasa 98-99% ang oxygen saturation ng tao.

Sa puntong ito, tahimik na akong nagliligpit ng mga pang-suction at pang-resuscitate ng sanggol.

“Pagkatapos nun, lagi na lang nagkakaroon ng problema sa mga procedures na ginagawa dito sa kwarto na ito. Dito rin yung repeat CS nung isang buntis na pagbukas nila eh, patay na yung bata sa loob. Ang nakapagtataka eh sa loob ng labor room, pinakinggan pa nila yung heartbeat nung sanggol at meron pa naman daw. Pagdating dito sa loob, wala na, patay na pala.”

“Ha? Pwede ba yun?”

“Nakapagtataka nga eh. Wala namang cord coil yung baby. Bigla na lang namatay.”

*Cord coil = pagpulupot ng umbilical cord ni baby sa ano mang bahagi ng katawan nito… karaniwang sa leeg na pwedeng makadulot ng pagkakasakal ng baby.

Sa puntong iyon ay parang  kinikilabutan ako habang nasa loob ng kwartong iyon. Hindi ko alam kung dahil bigla’y nakaramdam ako ng kakaibang presensyang kasama namin noon o dahil tinatakot ko lang ang sarili ko.

“Magmula noon, ayaw na nilang gamitin itong kwartong ito para magpaanak ng buntis. Ayaw na nilang may procedure na ginagawa dito kung maaari. Nagtotoxic kasi.”

Hindi ko alam kung matatakot ako sa mga rebelasyong iyon o matatawa. Sino naman ang magaakala na sa ospital kung saan siyensiya at medisina ang nananaig ay nabubuhay ang iba’t-ibang pamahiing akala ko noo’y sa probinsiya at sa mga matatanda lamang maririnig?

Wala akong nagawa. Matahimik akong naglipat patungo sa kabilang kwarto. Sa paglabas kong iyon kasabay ng pagpatay ng ilaw ay nakulong sa kadiliman ang kung ano mang kahiwagaan na bumabalot sa sa malamig na silid na iyon…

… at hindi ko na nagawa pang lumingong muli.

——————————————————–
Ang lathalang ito ay isinulat noong ika-5 ng Nobyembre. Dalawang araw ang lumipas, muli na namang ginamit ang kwartong iyon para sa isang caesarean operation. Ngunit ilang minuto bago pa man magsimula ang nasabing operasyon ay biglang pumutok ang panubigan ng pasyente at nag-cord prolapse. Pitong minuto bago nailabas sa isang mabilisang caesarean operation ang sanggol na muntikanan nang makitilan ng buhay.

Tags: ,

24 Hours

 

So nagduduty ka na ngayon? Ilang oras ang duty mo?

Marami ang nagugulat tuwing sinasagot ko ang tanong na yan. Hindi kasi aware ang mga tao sa depinisyon ng “duty” ng mga duktor sa ospital. Sa dami ba naman ng nurse sa Pilipinas, tila yata yung depinisyon lang ng 8-hour duty ng nurse ang alam nila.

Sa totoo lang, naiirita ako kapag nakakarinig ako ng reklamo sa mga unit nurses tuwing duty sila sa gabi. Walong oras lang naman yun mga iho at iha. May labingdalawang oras pa kayo para mamuhay ng tulad sa normal na tao sa labas ng ospital. Mapapanood niyo pa yung Despicable Me at yung Sa ‘Yo Lamang at kung panggabi ka naman, may labingdalawang oras ka pa para bawiin yung puyat mo. Mas naiirita ako sa mga nurse na tumatawag ng alas-dos y media ng madaling araw para magremind na may pasyenteng nagpapagawa ng clinical summary. For heaven’s sake. Sinong matinong pasyente ang aalis ng ospital ng alas dos y media ng madaling araw? Ang isa pang ipinuputok ng butsi ko eh yung mag tatawag sa dis oras ng gabi para magpabasa ng skin test. At yung mas malala? Yung tatawag every 30 minutes para magpabasa ng sunod-sunod na skin test sa iisang pasyente. Gaano ba kaliit ang braso ng pasyente na yan at kailangang paisa-isa ang skin test? Minsang may napagsabihan yung co-intern ko na isang nurse tungkol sa gawaing ganyan. Sabi ng nurse, kailangan daw paisa-isa kasi daw baka magcross react. Sabi ko nga kay Tin, bigyan niya ng leaflet yung nurse tungkol sa skin prick test at kung paano ito ginagawa sa mga taong gustong malaman kung ano yung allergy nila.

Pero may mababait din namang mga nurse. At majority sa mga nakakasalamuha ko sa ospital eh magalang. Pero panaknaka merong babarubalin ka talaga. (“Doc! Doc! ay… Intern! Intern!”)

Ano nga ba ang point ng entry na ito? Sa totoo lang hindi ko alam kung bakit napunta tayo sa usaping nurses vs doctors (parang plants vs zombies!). Gusto ko lang kasi sanang i-share na lagpas bente-kuwatro oras akong gising magdamag – 29 hours to be exact. Kalunos-lunos ang sinapit ng 24-hour duty namin kahapon sa Delivery Room sa St. Luke’s. Ramdam na ramdam namin ang epekto ng holiday babymaking activities ng mga mag-asawa, magnobyo at magka-FFB (friends for babies, hehe) noong Disyembre. Daig pa namin si Curacha – walang pahinga!

Masakit tuloy ang ulo ko ngayon at ang eyebags ko? Para na akong raccoon sa itim at sa lalim. Nasayang tuloy yung holiday ko. Imbis na nagpapakasaya sana ako sa mall kasama si Bee, nakalagpak tuloy yung mukha ko sa kama at nakatulog ng hindi man lang nakakapagbihis ng damit-pambahay.

Pero kahit puyat at pagod, bawi naman sa kanila ang pinaghihirapan ko. :)


Indecent Exposure

 

Gusto kong dukutin yung mata nila isa-isa at ipakain sa pusa. Ano bang meron sa legs ng babae at tuwing nakashorts ito o nakapalda, otomatikong doon kaagad ang titig nila? Laman lang naman ito – laman na binabalutan ng balat. Meron naman sila at si Aling Basyang diyan sa kanto kaya hindi ko alam kung ano ang kaibahan ng legs ng babae at sa legs nila. Fine. Makinis yung legs ko – hindi isang daang porsiyento dahil nasugatan ako kamakailan – pero makinis kahit hindi pa ako nakakapagwax sa loob ng humigit-kumulang tatlong linggo. Pero katulad ng sinabi ko, hindi ba lahat naman may legs? Hindi naman  nila mahahawakan yun at lalong hindi naman yun magbabago kahit gaano katagal pa nila ititig ang kanilang mga mata.

Nakakainis kasi. Lalo na yung mga lalakeng katabi ko sa dyip pauwi kanina. Parang tumigil sandali ang kanilang mundo ng pumasok ako. Eh ano ngayon kung ako lang ang babaeng naka-skirt kanina? Bakit? Noon lang ba sila nakakita ng naka-skirt na pumasok sa dyip? Gusto ko sanang sabihin sa kanila – lalo na dun sa mamang nasa tapat ko kanina – na kahit anong gawin nila  eh wala silang makikita. Matalino ako ‘day. Skort po itong suot ko. Wala na bang karapatang sumakay ng dyip ang mga babaeng nakamaikling palda ngayon? Sa pagkakatanda ko, mga Wang-Wang palang sa daan ang pinagbabawal ni P.Noy at hindi kasama ang paglalakad ng suot ang paldang maiksi.

Naaalala ko tuloy yung reaksyon ng nanay ko nung minsang magpunta kami sa burol ng isang kapitbahay. Matapos kong pag-isipan ng mga limang segundo ang isusuot ko, pinagpalit ako ng nanay ko ng mas “disenteng” damit dahil lumabas ako sa kwartong naka-shorts. Ang nanay ko talaga. Gusto pa yata akong pagsuotin ng gown papunta sa kabilang bahay. Ang punto de vista niya eh marami daw kasing taong nandoon sa lamay. Kumusta naman yung limang kasing edad ko na nadatnan naming mga bisita? Kahit siguro magpekpek shorts ako eh hindi naman ako papansinin ng mga yun dahil kaliwa’t-kanan ang nagsusuot ng ganun sa kahit saang lugar. At kung kadisentehan lang naman ang pag-uusapan, sino ba naman kasi ang nagsabing hindi disente ang pagsusuot ng shorts? Hindi naman ako magpapagulong-gulong sa whipped cream suot lang ang kakarampot na tela para hindi ako matawag na disente. At isa pa, t-shirt naman po ang suot ko sa itaas at hindi bra.

Decency. Isa lang yan sa isangdaa’t-isang kalokohan na natutunan natin mula sa mga Kastila. Subok bang pagsuotin ng baro’t saya na hanggang talampakan ang mga katutubong nakabahag na nadatnan nila dito sa Pilipinas? Hindi ko alam kung anong klaseng sintido-kumon meron ang mga kalahi ni Magellan at wala man lang nakaisip na mainit po sa Pilipinas at hindi bagay ang mga kasuotang nakagisnan nila sa Europa. Alam nila na hindi sila “in” dito kaya nagsimula silang mangaral ng mga bagay na “tama” ayon sa pananaw nila. Ang mga kumag. Wala man lang nagtanong kung ano ang mga bagay na “tama” sa pananaw ng mga katutubong ginugulo nila.

Naisip ko lang. Ang weird siguro nun no? Ano kaya yung kung mga naka-baro’t saya ang hinusgahan ng mga Pilipino noon ng indecency?

—————————

Katutubo 1: Kadiri. Ano yang suot ng hilaw na yan? Wala na halos itinirang balat para makahinga.

Katutubo 2: Oo nga pare. Pustahan tayo. Amoy durian yan mamaya kapag pinawisan.

—————————

Ang masaklap pa dito, hindi naman sila sanay maligo dahil hindi naman sila halos pinagpapawisan doon sa Europa. Naiimagine niyo na ba yung amoy ng Pilipinas noon bago pa maimbento ang Victoria’s Secret at Bath & Body Works? Kung ako yung isa sa mga katutubo noon, baka nagsuicide na lang ako.

Pero teka, mabalik tayo sa kwentong skorts ko.

Sa awa ng Diyos, nakauwi naman ako ng matiwasay kanina kahit na lahat ng mata’y napapatingin sa mga legs ko sa loob ng halos dalawampung-minutong nakabalandra ako sa publiko. Ang kaba ko  lang eh yung mamistaken identity ako at mapick-up sa kahabaan ng Kamuning katulad na lang ng isang blogger/tumblr/internet personality-cum-celebrity na kakilala kong minsa’y muntikang mapick-up sa Cubao. Sa alala ko, naka-shorts din siya nun – yung gusgusing pambahay pa na animo’y bibili lang ng suka sa kanto. Malamang malakas lang ang tawag ng laman dun sa taong yun dahil kahit mabalahibo ang legs nitong kakilala ko eh papatulan niya. Tarush di  ba?

Da who itong blogger/tumblr/internet personality-cum-celebrity na ito ?

Isang malaking sikreto. =D

Tags: ,

space